Ang Nobelang Isang One Dalawang Zero: Panimulang Sipat Gamit ang Tatlong Tesis sa Pagsulat ni Rolando Tolentino
DOI:
https://doi.org/10.64887/zyjmcw23Keywords:
Nobelang Pilipino, Diskursong pampanitikan, Isang One Dalawang Zero, Tesis sa pagsulatAbstract
Kauna-unahang nobela ni Dr. Romeo P. Peña ang Isang One Dalawang Zero na inilathala ng Visprint Inc. noong 2018. Pagbabalik sa Bondoc Peninsula ang etnograpikong nobelang ito na umiikot sa buhay ng pangunahing tauhan na si Siglo. Matindi ang pag-uusisa ng mananaliksik sa mga detalye habang binabasa ang nobela ng papausbong na may-akda nito ng/sa kontemporaryong panahon. Ayon sa kritiko na si Rolando Tolentino (2009), may tatlong tesis sa pagsulat: una ang malikhaing gawain; ikalawa ang intelektuwal na gawain; at ikatlo ang gawaing politikal. Sa tesis na ang pagsulat ay malikhaing gawain, lubusang pinahahalagahan ang papel ng imahinasyon bilang mahalagang sangkap sa panitikan. Tinitingnan ang panitikan bilang malikhain—nagtataglay ito ng enggrandeng kaalaman at realisasyon ng/sa buhay. Samantala, ukol sa tesis na intelektuwal na gawain ang panitikan, ang manunulat bilang isang labor, ay lumilikha ng intelektuwal na gawain. Bagahe na dala-dala ng isang manunulat ang angas na nagpapagalaw sa kaniyang utak para hagilapin ang mga perspektiba at mga maaaring isulat na hindi pa naisusulat ng ibang manunulat. Dahil labor ang isang manunulat, ang angas na nagpapagalaw sa kaniyang utak kasama na ang imahinasyon ay nakasusulat siya ng mga akda na lantad at/o tagong-lantad na pagkritik sa lipunan o dahil hindi nilalahat ay maaaring maging pagiging pasibong manunulat din. Tungkol sa pagpapagana ng utak at angas ang nagpapatugatog sa isang akda. Lampas pa sa usaping ganansiyang kuwarta na maaaring itumbas sa serbisyo ng isang manunulat, lampas rito ang pagiging intelektuwal. Huli sa tatlong tesis ay ang pagsusulat bilang gawaing politikal, nangangahulugan na ang panitikan ay may gustong baguhin o itransporma sa kasalukuyang umiiral na kaayusan sa lahat ng aspekto ng buhay at may pakialam ang tao.
Downloads
Published
Issue
Section
License
Copyright (c) 2026 San Eugenio: A Multidisciplinary Journal

This work is licensed under a Creative Commons Attribution 4.0 International License.
